PVL Finals ipinagpaliban dahil kay ‘Enteng’

MANILA, Philippines — Ipinagpaliban kahapon ng Premier Volleyball League (PVL) ang championship showdown ng Akari at Creamline para sa korona ng 2024 Reinforced Conference.

Ito ay bunga ng pagragasa ng bagyong ‘Enteng’ sa Metro Manila simula noong Linggo.

“Due to inclement weather brought by Tropical Storm Enteng, all Premier Volleyball League games scheduled for Monday, September 2, have been postponed and will be moved to September 4,” wika ng PVL.

Lalaruin sa Philsports Arena sa Pasig City ang agawan ng Chargers at Cool Smashers sa Reinforced Conference crown at ang banggaan ng PLDT at Cignal HD para sa third place.

Nauna nang itinakda ng PVL ang nasabing dalawang laro sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na ipinagpaliban ng PVL ang dalawang laro sa Reinforced Conference.

Inilipat sa Agosto 31 ang nasabing mga laro kung saan sinibak ng Chargers ang High Speed Hitters at pinatalsik ng Cool Smashers ang HD Spikers para magtuos sa PVL Finals.

 

Show comments