MANILA, Philippines — Ito ang huling pagkakataon na magtutuos ang Akari at PLDT at ang Creamline at Cignal HD.
Matapos ipagpaliban ang kani-kanilang knockout semifinals matches noong Huwebes ay paglalabanan ngayon ng apat na koponan ang dalawang championship ticket sa 2024 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa MOA Arena sa Pasay City.
Magkikita ang Chargers at High Speed Hitters sa alas-2:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Cool Smashers at HD Spikers sa alas-4:30.
Ang dalawang tropang mananalo ang maghaharap sa ‘winner-take-all’ championship game bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Kinumpleto ng Akari ang eight-game sweep sa elimination round bago sinibak ang Farm Fresh sa knockout quarterfinals para sa 9-0 record.
“Sabi nga natin pagandahan na lang talaga ng gising. Kapag nag-click, magki-click, makukuha mo talaga,” sabi ni PLDT coach Rald Ricafort.
Muling aasahan ng Chargers sina American import Oly Okaro, Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Ced Domingo at Michelle Cobb.
Itatapat ng High Speed Hitters sina Russian import Elena Samoilenko, Mika Reyes, Majoy Baron, Kim Fajardo at Kiesha Bedonia.
Sa ikalawang laro, hangad naman ng Creamline na makapasok sa PVL finals para sa tsansang makopo ang pang-siyam na korona.
Ngunit inaasahang pipigilan ito ng Cignal na asam ang kauna-unahang titulo.