MANILA, Philippines — Pilit na susundan ng PLDT ang sister team Cignal HD sa semifinals sa pagsagupa sa Chery Tiggo sa knockout quarterfinals ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Lalabanan ng High Speed Hitters ang Crossovers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Creamline Cool Smashers at nagdedepensang Petro Gazz Angels sa alas-6 ng gabi.
Swak na sa knockout semifinals ang Cignal at Akari makaraang gibain ang Capital1 Solar Energy, 25-19, 36-34, 16-25, 22-25, 15-12, at Farm Fresh, 17-25, 25-18, 25-22, 25-23, ayon sa pagkakasunod.
Ang mananalo sa High Speed Hitters at Crossovers ang lalabanan ng Chargers sa semis.
Inaasahang magtatapat sina Russian import Lena Samoilenko ng PLDT at American reinforcement Khat Bell ng Chery Tiggo.
“For me, it doesn’t matter – Khat Bell or other imports. Of course, Khat Bell is a good player, but we need to show my game... Not just my game, but the team game. We show we don’t have problems,” ani Samoilenko.
Giniba ng Crossovers ang High Speed Hitters, 19-25, 25-20, 20-25, 25-21, 10-15, sa una nilang pagkikita kung saan humataw si Bell ng 39 points at may 23 markers si Ara Galang.
Bukod kay Samoilenko, aasahan din ng High Speed Hitters sina Kiesha Bedonia, Erika Santos, Majoy Baron at Mika Reyes katapat sina Bell, Galang, Mylene Paat, Jasmine Nabor, Pauline Gaston at Aby Maraño ng Crossovers.