MANILA, Philippines — Bumalikwas ang NorthPort kontra sa Terrafirma, 112-93, para sa unang panalo sa 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumawi ang Batang Pier mula sa dikit na 95-101 debut loss sa reigning champion na TNT Tropang Giga para sa 1-1 kartada sa Group A.
Bumomba ng 31 points si William Navarro upang trangkuhan ang birada ng Batang Pier sa second half mula sa dikit na duwelo sa halftime.
Sumuporta sa kanya si import Venky Jois na may 16 markers sa kanyang pagbabalik sa PBA.
Pinalitan ni Jois si Taylor Johns sa biglaang import change ng Batang Pier na nagresulta agad sa tagumpay upang makaiwas sa 0-2 kartada.
Solido rin ang ambag na 14 at 10 points nina Joshua Munzon at Arvin Tolentino para sa mga bataan ni coach Bonnie Tan.
May tig-8 puntos din sina John Amores at Jio Jalalon, may 7 si Fran Yu at may 6 ang rookie na si Evan Nella mula sa UAAP champion na La Salle.
Gigil makabawi mula sa unang kabiguan, mainit ang naging simula ng NorthPort sa 30-20 ratsada bago bahagyang makalapit sa 43-51 ang Terrafirma sa halftime.
Sa third quarter, hindi na napigilan ang pagbulusok ng Batang Pier sa pangunguna ni Navarro tungo sa 22-point win.