MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng No. 2 Cignal HD at No. 7 Capital1 Solar Energy ang semifinal seat sa paghataw ng knockout quarterfinals ng 2027 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng HD Spikers at Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng No. 1 Akari Chargers at No. 8 Farm Fresh Foxies sa alas-6 ng gabi.
Tinalo na ng Cignal ang Capital1 via four-setter sa una nilang pagtutuos sa elimination.
“Never be complacent dahil lahat ng team you’ll never know sino mananalo,” ani HD Spikers team captain Ces Molina.
“Lahat nagpalakas at talagang nag prepare para dito. Kailangan consistent ka from the beginning dahil ang taas ng level ng volleyball ngayon,” dagdag nito.
Pinangingilagan ang Solar Spikers sa pangunguna ni Russian import Marina Tushova na nagposte ng bagong PVL scoring record na 49 points.
Naglista ang Capital1 ni coach Roger Gorayeb ng 1-10 record sa una nilang salang sa nakaraang All-Filipino Conference na pinagreynahan ng Creamline kontra sa Choco Mucho.
“Kailangan ready ang team, mag-ingat, magpakundisyon at mas mag-focus pa,” sabi ni Cignal coach Shaq delos Santos.
Paborito naman ang Akari na manalo sa Farm Fresh na winalis nila sa unang pagkikita.
Kinumpleto ng Chargers ang 8-0 sweep sa eliminasyon, habang nagtala ang Foxies ng 3-5 record.
“Iyon nga, sabi ko sa kanila huwag maging complacent hanggang wala pa kaming nahahawakan na dapat hawakan,” sabi ni Grethcel Soltones ng Akari.
Sa iba pang knockout matches sa Martes, lalabanan ng No. 3 Creamline ang No. 6 Petro Gazz, habang haharapin ng No. 4 PLDT ang No. 5 Chery Tiggo.