MANILA, Philippines — Pormal nang kinansela ang pagdaraos ng 6th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) na gaganapin sana sa Nobyembre sa Thailand.
Ito ang inihayag ng Olympic Council of Asia (OCA) sa official statement nito.
Dismayado si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino lalo pa’t naghahanda ang Pinoy athletes sa pagsabak nito sa AIMAG.
Ngunit kailangan nang mag-move on at isentro ang atensiyon sa ibang torneong lalahukan ng Team Philippines.
“It’s frustrating, but we’ll have to move on,” ani Tolentino.
Magpapadala sana ang Pilipinas ng 421 atleta na sasabak sa 37 sports.
Subalit hindi na ito matutuloy dahil sa kakulangan sa sponsors ng organizing committee ng Thailand.
“We were hoping to improve on the two gold medals Meggie [Ochoa] and Annie [Ramirez] won in jiu-jitsu as well as the 14 silver and 14 bronze medals clinched in the 2017 edition in Ashgabat [Turkmenistan],” ani Tolentino.
Dahil sa kanselasyon, ang susunod na edisyon ng AIMAG ay idaraos na sa Riyadh, Saudi Arabia base sa inilabas na sulat ng OCA.
“As per the decision of the OCA Executive Board, the games are canceled and the next edition of the Games will be held in Riyadh, Saudi Arabia, the dates of which will be finalized shortly and sent to all concerned,” ayon sa statement ng OCA.
Sesentro na ang atensiyon ng Team Philippines sa paghahanda nito sa 2025 Southeast Asian Games na idaraos din sa Bangkok, Thailand.
Nais ng POC na masundan ang impresibong kampanya ng Team Philippines sa Paris Olympics kung saan ang Pilipinas ang pinakamataas na Southeast Asian country tangan ang dalawang ginto at dalawang tansong medalya.