Santos hataw ng 5 ginto sa PAI event

Gian Santos
STAR/File

MANILA, Philippines — Hindi natinag si Gian Santos sa huling araw ng kumpetisyon upang makumpleto ang matamis na five-gold sweep sa Philippine Aquatics, Inc. (PAI) Long Course National Trials na ginanap sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.

Sa final day ng bakbakan, hataw si Santos sa boys’ 16-18 100m freestyle kung saan naisumite nito ang impresibong 50.70 segundo — malayo sa qualifying time na 53.01.

Nilampasan din ng incoming freshman sa Columbian University sa New York ang quali­fying mark sa 400m freestyle sa bisa ng nakuha nitong 4:01.26 na oras.

Wagi rin ng ginto si San­tos sa 200m IM sa oras na 2:05.99, 200m freestyle sa kanyang nai­­rehistrong 1:51.39, at 200m breaststroke sa nailista nitong 2:18.30.

Hindi naman nagpakabog si Jamesray Ajido na itinanghal na Most Bemedalled Swimmers sa torneo matapos humakot ng pitong gintong medalya.

Magarbong winakasan ni Ajido ang kanyang kampanya sa boy’ 14-15 nang mangibabaw ito sa 100m freestyle sa oras na 54.32 para makuha ang gintong medalya.

Nakaginto pa si AJido sa 50m backstroke (28,57), 200m freestyle (2:02.35), 100m butterfly (56.25), 50m freestyle (24.64), 100m backstroke (1:01.01) at 200m Individual Medley (2:12.57).

Nakahirit din ng kani-kanyang gintong medalya sina Billie Blu Mondo­nedo, Maxene Hayley Uy, Sophie Rose Garra at Liv Abigail Florendo sa kani-kanyang kategorya.

Ang iba pang gold medalists ay sina Richard Navo, Miguel Barreto, Anika Kathryn Matiling, Nuche Veronica Ibit, Alyza Ng, Arvin Taguinota, Joshua Par, Ca­therine Cruz at Mishka Sy.

Show comments