Tanso para sa mga Pinoy spikers

Iniskoran ng Thailand player si Rwenzmel Taguibolos ng Alas Men sa aksyon ito.
PNVF photo

MANILA, Philippines — Nakuntento ang Alas Pilipinas sa bronze medal matapos sumuko sa Thailand, 26-28, 14-25, 16-25, sa Leg 1 ng 2024 Southeast Asian Men’s V.League kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Isinara ng koponan ni Italian coach Angiolino Frigoni ang four-nation, three-day tournament sa 1-2 record kasama ang 25-21, 25-22, 18-25, 25-23 panalo sa Vietnam sa pagsisimula ng torneo noong Biyernes.

Noong Sabado ay yumukod ang mga Pinoy spikers sa mga Indonesians, 25-23, 19-25, 11-25, 21-25, kung saan nagkaroon si star player Bryan Bagunas ng left leg injury.

Nakipagsabayan ang tropa ni Italian coach Angiolino Frigoni sa mga Thais matapos ang dikitang 26-28 pagkatalo sa first set.

Ngunit sa sumunod na dalawang sets ay ipinakita ng Thailand ang kanilang malawak na ekperyensa para tuluyan nang walisin ang Alas Pilipinas.

Kinumpleto ng mga Thais ang 3-0 sweep sa torneo para angkinin ang gold medal, habang napasakamay ng mga Indonesians ang silver sa kanilang 2-1 baraha.

Minalas ang mga Vietnamese sa torneo sa kanilang 0-3 marka.

Sa unang laro, tinakasan ng Indonesia ang Vietnam, 21-25, 25-21, 25-19, 22-25, 15-12.

Pumalo si Boy Arnez Arabi ng 22 points mula sa 19 hits, dalawang aces at isang block para sa come-from-behind win ng reig­ning champions.

Nagdagdag si Fahri Septian Putrama ng 21 markers sa likod ng 19 attacks, samantalang may 11 points si Hendra Kurniawan para sa mga Indonesians.

Idaraos ang Leg 2 ng SEA V.League sa Indonesia sa susunod na linggo.

Show comments