MANILA, Philippines — Magtutuos ang sister teams na Creamline at Choco Mucho sa isang krusyal na laro sa Pool C ng second round ng 2025 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang banggaan ng Cool Smashers at Flying Titans ngayong alas-5 ng hapon.
Huli silang nagtapat sa nakaraang PVL All-Filipino Cup Finals kung saan tinalo ng Creamline ang Choco Mucho.
Sa unang laro sa ala-1 ng hapon ay magkikita ang Chery Tiggo Crossovers at sibak nang ZUS Coffee Thunderbelles kasunod ang laro ng nagdedepensang Petro Gazz Angels at PLDT High Speed Hitters sa alas-3.
Bumabandera ang PLDT bitbit ang 5-1 record kasunod ang Creamline (4-2), Chery Tiggo (4-2), Petro Gazz (4-3), Choco Mucho (2-4) at ZUS Coffee (0-6).
Ang High Speed Hitters pa lamang ang nakakapasok sa knockout quarterfinals.
Nagmula ang Cool Smashers sa 23-25, 19-25, 25-20, 25-23, 12-15 kabiguan sa Gazz Angels sa huli nilang laro noong Martes.
Umiskor naman ang Flying Titans ng 25-16, 25-11, 23-25, 19-25, 15-12 panalo sa Crossovers.
“I think the big factor is that they now believe in what we want to achieve. In our previous games, there was some doubt about whether we could overcome the challenges we faced,” sabi ni Choco Mucho coach Dante Alinsunurin.
Sasandal siya kina Greek import Zoi Faki, Dindin Santiago-Manabat, Mean Mendrez, Royse Tubino, Maddie Madayag at Thang Ponce.
Muling maglalaro ang Creamline na wala sina Tots Carlos, Alyssa Valdez at Jema Galanza.
Kaya aasa sila kina American import Erica Staunton, Michele Gumabao, Bernadeth Pons, Bea De Leon, Bangs Panaga at Kyle Negrito.