Bianca sumulong sa world rankings
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Bianca Pagdanganan base sa inilabas na bagong listahan ng world rankings matapos ang matagumpay na kampanya nito sa Paris Olympics.
Umarangkada si Pagdanganan sa ika-106 posisyon matapos ang ratsada nito sa Paris Games. Malayo ito sa kanyang dating puwesto na No. 121.
Nakalikom si Pagdanganan ng 49.07 points at 1.12 average points sa 44 events na sinalihan nito sa taong ito.
Ito ang pinakamataas na puwestong nakamit ni Pagdanganan sa kanyang career.
Una na itong tumapos sa ika-113 posisyon matapos ang KPMG Women’s PGA Championship sa Amerika.
Nagtapos sa ikapaat na puwesto si Pagdanganan sa Paris Olympics na pinagreynahan ni Lydia Ko ng New Zealand.
“It’s been such a great Olympic experience,” ani Pagdanganan.
Nasa ika-232 naman si Paris Olympics veteran Dottie Ardina na mas maganda mula sa kanyang dating puwesto na 262.
Hawak ni Tokyo Olympics gold medalist Nelly Korda ng Amerika ang unang puwesto sa world ranking habang nasa ikalawa ang isa pang Amerikana na si Lilia Vu.
Okupado naman ni Amy Yang ng South Korea ang ikatlong posisyon.
- Latest