Back-to-back wins misyon ng Cignal

MANILA, Philippines — Ang pagpapatuloy sa ratsada ang hangad ng Cignal HD sa pagsagupa sa Galeries Tower sa Pool D ng crossover second round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.

Maghaharap ang HD Spikers at Highrisers ngayong alas-5 ng hapon matapos ang bakbakan ng Akari Chargers at Nxled Chameleons sa alas-3 at ang salpukan ng Capital1 Solar Spikers at Farm Fresh Foxies sa ala-1.

Umiskor ang Cignal ng 25-23, 28-26, 25-27, 25-14 panalo sa Farm Fresh para makabangon sa naunang kabiguan at itayo ang 5-1 record papasok sa knockout quarterfinals.

Sa nasabing panalo ay pumalo si Vene­zuelan import MJ Perez ng 25 points tampok ang 23 attacks.

“To be honest, I’m always hard on myself, I don’t feel today that I was at my highest performance,” ani Perez na naglista rin ng 20 excellent receptions. “But the most important thing is that the team won.”

Nakalasap naman ang Galeries Tower ng dikitang 25-23, 15-25, 16-25, 25-22, 16-18 kabiguan sa Akari sa huli nilang laro.

Samantala, pakay rin ng Akari at Capital1 na maidiretso ang kani-kanilang arangkada sa pagsagupa sa Nxled at Farm Fresh, ayon sa pagkakasunod.

May perpektong 6-0 baraha ang Chargers habang may 4-2 karta ang Solar Spikers.

Show comments