Golden boy Yulo uuwi sa Agosto13
MANILA, Philippines — Nakatakdang umuwi si golden boy Carlos Edriel Yulo sa Agosto 13 matapos ang matagumpay na kampanya nito sa ginaganap na 2024 Paris Olympics.
Subalit nilinaw ni Yulo na sabay-sabay na uuwi ng Pilipinas ang Team Philippines na inaasahang dudumugin ng mga Pinoy fans na sabik magbigay ng congratulatory message sa mga atleta.
Kasama ng world champion na si Yulo na nakasungkit ng dalawang gintong medalya sa gymnastics sina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio at Aira Villegas na parehong umani ng tansong medalya sa kani-kanyang dibisyon sa women’s boxing.
Kinumpirma mismo ni Yulo ang sabay-sabay na pag-uwi ng delegasyon na inaasahang lalatagan ng pulang karpet dahil sa impresibong kampanya nito sa Paris Games.
Magarbo ang ratsada ni Yulo na nakaginto sa men’s floor exercise at men’s vault para maging kauna-unahang Pinoy na nakasiguro ng dalawang ginto sa Olympics.
Tatanggap ito ng P20 milyon mula sa gobyerno kasama pa ang hiwalay na pabuyang ibibigay ng iba’t ibang pribadong indibidwal at grupo.
Kasama pa rito ang pamosong three-bedroom condominium unit sa McKinley Hills sa Taguig City na nagkakahalaga ng P32 milyon kasama ang parking.
- Latest