Brownlee binigyan ng korona ang Pelita Jaya
MANILA, Philippines — Muling pinatunayan ni Justin Brownlee ang kanyang never say die spirit at sa pagkakataong ito, sa ibang bansa naman.
Trinangkuhan ni Brownlee ang Pelita Jaya sa kampeonato ng Indonesia Basketball League matapos ang 73-65 panalo kontra sa Satria Muda sa winner-take-all Game 3 kamakalawa ng gabi sa Indomilk Arena.
Umiskor lang ng 9 puntos si Brownlee subalit minanduhan ang opensa ng koponan at nagsilbing pader sa depensa tungo sa kanyang panibagong kampeonato sa pamamagitan ng comeback fashion.
Nabigo sila Brownlee sa Game 1, 84-71, bago bumalikwas sa Game 2, 82-70, at tsaka tumodo sa Game 3 para pagharian ang Indonesian league.
Matatandaang nag-kampeon na rin si Brownlee ng 6 na beses sa PBA para sa mother club nitong Barangay Ginebra sahog pa ang 3 Best Import Awards.
Naghari din ang resident Gin Kings import sa ASEAN Basketball League, Lebanon at United Arab Emirates bukod pa ang kanyang tagumpay para sa Gilas Pilipinas bilang naturalized player.
Nabawi ni Brownlee ang ginto para sa Gilas noong 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia bago iuwi sa Pinas ang una nitong gintong medalya sa Asian Games sa China matapos ang 61 na taon.
Ngayong tapos na ang kampanya sa Indonesia, inaasahang babalik na agad sa Pinas si Brownlee upang samahan ang Ginebra sa training camp nito para sa PBA Season 49 na magsisimula muna sa Governors’ Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Mapapasabak si Brownlee sa mga batikan at bagitong imports tulad ni Allen Durham ng Philippine Cup champion Meralco Bolts para sa misyong mabawi ang korona para sa Ginebra.
- Latest