Team USA dinomina ang Serbia

PARIS — Bumanat sina Kevin Durant at LeBron James ng pinagsamang 44 points para gabayan ang Team USA sa 110-84 dominasyon sa Serbia sa Group C ng Olympic Games Paris 2024 men’s basketball sa Pierre Mauroy Stadium dito.

Umiskor si Durant ng 23 points at may 21 points, 9 assists at 7 rebounds si James, habang naglista si Jrue Holiday ng 15 markers.

Nagdagdag si Devin Booker ng 12 points, samantalang may tig-11 markers sina Stephen Curry at Anthony Edwards para sa mga Americans na hangad ang pang-limang sunod na Olympic gold medal.

Pinangunahan ni three-time NBA MVP Nikola Jokic ang Serbia sa kanyang 20 points, 8 assists, 5 rebounds at 4 steals habang may 14 markers si Bogdan Bogdanovic.

Samantala, pinadapa ng South Sudan ang Puerto Rico, 90-79, sa kanilang Olympic debut.

Humataw si Carlik Jones ng 19 points, 7 rebounds at 6 assists para pamunuan ang South Sudan.

 

Show comments