Team Philippines excited rumampa sa Paris opening

Nag-selpi muna ang Team Philippines sa pa- ngunguna ng flag bearers na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam bago pumarada sa opening ceremony ng Paris Olympics.
The Olympic Games

MANILA, Philippines — Buhay na buhay ang Team Philippines sa kabila ng pag-uulan sa opening ceremony ng 2024 Paris Olympics.

Masaya ang Team Philippines na pumarada sa opening rites na ginanap sa Seine River kasama ang mahigit 10,000 atleta at opisyale mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hindi pa man nagsisimula ang parada, kitang-kita ang excitement ng lahat sa kabila ng pagbuhos ng ulan.

Nakasakay sa bangka ang bawat delegasyon na nagparada sa pamosong River Seine.

Nanguna sa Team Philippines si Olympic silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio na siyang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas.

Kasama nina Paalam at Petecio sina fencer Samantha Catantan, boxers Hergie Bacyadan at Aira Villegas, swimmers Kayla Sanchez at Jarod Hatch, gymnasts Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar, at sina hurdlers John Cabang Tolentino at Lauren Hoffman.

Bahagi rin ng mga nagparada sina Philippine de chef de mission Jonvic Remulla, Association of the Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary general Marcus Manalo, Philippine rowing president Patrick Gregorio, at Philippine athletics chief Agapito “Terry” Capistrano.

Kasama ng Pilipinas sa bangka ang delegasyon ng Poland at Puerto Rico.

Aarangkada ngayong araw sina gymnasts Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar sa women’s artistic gymnastics all-around qualification na idaraos sa Bercy Arena.

Pare-parehong nasa Subdivision 3 sina Finnegan, Malabuyo at Ruivivar.

Magsisimula ang qualification sa alas-8:50 ng gabi (oras sa Maynila).

Kailangan ng tatlo na makapasok sa Top 24 para makapasok sa all-around final.

Show comments