Eala umangat sa WTA rankings

MANILA, Philippines — Hindi mapigilan ang pagsulong ni Alex Eala sa world ranking ng Women’s Tennis Association (WTA).

Muling nagtala ng panibagong career-high si Eala sa inilabas na listahan ng WTA.

Kasalukuyan na itong nasa ika-143 puwesto — 12 posisyon na mas mataas kumpara sa kanyang dating ranking na No. 155 noong nakaraang linggo.

Malaking tulong sa pag-angat ng Pinay netter ang dalawang korona na nakopo nito sa katatapos na International Tennis Federation (ITF) Women’s 100 Tennis Tournament na ginanap sa Vitoria-Gasteiz, Spain.

Pinagreynahan ni Eala ang singles event habang nagkampeon din ito sa doubles category para matamis na walisin ang dalawang korona na nakataya sa natu­rang torneo.

Unang nasungkit ni Eala ang kampeonato sa doubles kasama si Estelle Cascino ng France kung saan tinalo ng dalawa sina Lia Karatancheva ng Bulgaria at Diana Marcinke­vica ng Latvia sa finals sa iskor na 6-3, 2-6, 10-4.

Nadoble ito ni Eala ma­karaang pabagsakin nito si Victoria Jimenez Kasintseva ng Andorra sa singles finals, 6-4, 6-4, para masiguro ang sweep.

Malaki rin ang nadagdag sa puntos ni Eala matapos umabot sa finals ng qualifying rounds ng dalawang Grand Slam events — ang Wimbledon at French Open. 

Show comments