MANILA, Philippines — Ang bawat laro ng nagdedepensang Petro Gazz ay kanilang inaalay sa namayapang teammate na si Janisa Johnson.
Si Johnson ang nakatambal ni import Wilma Salas sa pagkopo ng Gazz Angels sa 2019 Reinforced Conference.
Hangad masolo ang liderato sa Pool B, lalabanan ng Petro Gazz ang Capital1 Solar Energy ngayong alas-5 ng hapon sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa ala-1 ng hapon ay lalabanan ng Cignal HD ang ZUS Coffee kasunod ang paghaharap ng Akari at Choco Mucho sa alas-3 ng hapon.
Kapwa may 1-0 record ang Gazz Angels, Chargers at HD Spikers habang asam ng Solar Spikers, Flying Titans at Thunderbelles ang una nilang panalo.
Pinabagsak ng Petro Gazz ang ZUS Coffee, 25-16, 25-21, 25-21, sa una nilang laro kung saan nila pinarangalan si Johnson.
Si Johnson ay namatay dahil sa colon cancer noong Mayo.
“I wished I could have been able to watch her play and play with her, but I’m happy to be wearing the same number and hopefully continue to play well and get that win for her,” ani Fil-American Brooke Van Sickle sa pagsusuot niya ng jersey No. 10 ni Johnson.
Sa panalo sa Thunderbelles ay humataw si Van Sickle ng 22 points mula sa 18 attacks, tatlong service aces at isang block bukod sa 11 excellent digs at anim na excellent receptions.
Pipilitin naman ng Solar Spikers na makabawi mula sa 18-25, 25-27, 25-22, 14-25 kabiguan sa Chargers.