MANILA, Philippines — Naghayag ng paglahok ang Beltuna sa 2024 PHILRACOM “Hopeful Stakes Race” na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Hulyo 21.
Gagabayan ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez ang Beltuna na inaasahang mapapalaban kontra pito pang lalahok sa event na may distansyang 2,000 meter.
May nakalaan na P1M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang iba pang nagsaad ng pagsali ay ang Boss Lady, Boss Uno, Gameir Winner, King James, Malibu Princess, Summer Rule at Wolfthreefivenine.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta ang P200,000 sa pangalawa habang P100,000, P50,000, P30,000 at P20,000 ang third hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Posibleng magbigay ng magandang laban sa Beltuna ay ang Gameir Winner na sasakyan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce, Malibu Princess at Boss Lady na rerendahan naman nina Pabs Cabalejo at MM Gonzales.
Ibubulsa naman ng breeder ng mananalong kabayo ang P50,000 at P30,000 at P20,000 ang second at third.
Samantala, pasisibatin din sa nasabing petsa ang 3rd Leg Triple Crown Stakes race kaya tiyak na dadagsain ng mga karerista ang karerahan upang saksihan ang mahuhusay na kabayo.