Baltazar kukuning Top pick ng Converge

MANILA, Philippines — Maisasakatuparan ng ilang mga prospects at aspirants ang kanilang mga pangarap ngayon sa pag-arangkada ng bigating 2024 PBA Rookie Draft sa Glorrieta, Makati.

Aarangkada ang seremonya sa alas-7 ng gabi tampok ang 70 na aplikante para sa draft class na itinuturing na isa sa pinakastar-studded sa mga nakalipas na taon.

Wala pang kasiguruhan pero inaasahang ma­ging No. 1 pick si MPBL MVP Justine Baltazar ng Pampanga G­iant Lanterns habang palaban din ang ibang prospects tulad ng Filipino-American aces na sina Sedrick Barefield at Caelan Tiongson.

Hindi rin magpapahuli ang inaabangang first-round picks na sina RJ Abarrientos at Dave Ildefonso na parehong galing sa Japan at South Korea bilang Filipino imports.

Swak din dito ang local standouts na sina Evan Nelle, Jerom Lastimosa, Mark Nonoy, Kai Ballungay, Jonnel Policarpio at CJ Cansino na pare-parehong nagpasiklab sa UAAP.

Unang pipili sa rookie draft ang Converge kasunod ang Blackwater.

At sa isang pambihirang pagbabago ay Barangay Ginebra na ngayon ang nakapila sa No. 3, na dapat ay Terrafirma, mula sa orihinal nitong puwesto sa No. 10.

Nagpalitan ng first-round picks ang Ginebra at Terrafirma bilang bahagi ng kanilang blockbuster trade tampok sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle na nasa Dyip na ngayon kapalit sina Stephen Holt at Isaac Go.

Kukumpleto sa 1st round ang Phoenix, NorthPort, NLEX, Rain or Shine (dalawang magkasunod), Magnolia, Terrafirma, Me­ralco at San Miguel.

Show comments