Lady Tams winalis ang pool c ng SSL
MANILA, Philippines — Swak sa knockout quarterfinals ang Far Eastern University matapos walisin ang mga nakatunggali sa Pool C ng 2024 Shakey’s Super League National Invitationals.
Nasungkit ng Lady Tamaraws ang top seeding sa Pool C matapos kalusin ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 25-15, 25-13, 25-12, para sa 2-0 record kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nahirang na Most Valuable Player (MVP) of the Game si rookie Lovely Lopez upang tulungan ang Lady Tams na isampa sa quarterfinals sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner at Mikasa.
Kumana si Lopez ng 10 points mula sa siyam na attacks at isang service ace para sa FEU na kasamang uusad sa quarters ang University of Southern Philippines Foundation Lady Panthers (1-1) na inokupahan ang No. 2, habang talsik na ang Lady Pirates (0-2).
Nagdagdag sina Melody Pons at Jean Asis ng tig-pitong marka.
Pumalo si Ashley Muchillas ng limang puntos sa panig ng Lyceum kasunod ang tig-apat na marka nina Angelica Cruz, Joan De Guzman at Marinel Sagayno.
May 12 teams mula sa UAAP, NCAA, Luzon, Visayas at Mindanao na kasali at hinati sa apat na pools at single-round eliminations ang bakbakan kung saan ang top two teams ay hahakbang sa knockout playoffs.
Inaabangan ng Lady Tams ang No. 2 ranked team sa Pool B na makakalaban nila ngayong araw sa parehong venue
Samantala, arangkada rin sa quarters ang UAAP queens National University Lady Bulldogs matapos nilang lapain ang Xavier University-Northern Mindanao Selection, 25-15, 25-13, 25-13, upang ilista ang 2-0 karta sa Pool A.
- Latest