Brazil, Greece, Spain at Puerto Rico nakahabol sa Paris Olympics

MANILA, Philippines — Ang Brazil, Greece, Spain at Puerto Rico ang kumuha sa huling apat na tiket para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.

Matapos sibakin ang Gilas Pilipinas sa semifinals ay tinalo ng mga Brazilians ang Latvia, 94-69, sa finals sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.

Ito ang ika-16 pagkakataon na maglalaro ang Brazil sa Olympics sa men’s basketball tournament.

Ang walong triples sa first period ang nagbigay sa Brazil ng 34-11 bentahe laban sa Latvia na naunang ginulat ng Gilas Pilipinas sa quarterfinals.

Mula rito ay hindi na bumitaw ang mga Brazilians na pinamunuan ni tournament MVP Bruno Caboclo sa kanyang 21 points at may 20 markers si All-Star 5 member Leo Meindl.

Sa Piraeus, binigo ng Greece ang Croatia, 80-69 para sa kanilang pagbabalik sa Olympics matapos noong 2008.

Sa Valencia, pinatumba ng Spain ang The Bahamas, 86-78, sa finals.

Sa San Juan, giniba ng Puerto Rico ang Lithuania, 79-68, papasok sa Olympics matapos noong 2004 sa Athens, Greece.

Sa final groupings ng Paris Olympics ay magkakasama sa Group A ang Australia, Greece, Canada at Spain, habang nasa Group B ang France, Germany, Japan at Brazil.

Ang Group C ay binubuo ng nagdedepensang USA, Serbia, South Sudan at Puerto Rico.

Nakatakda ang Paris Olympics sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11. 

 

Show comments