Bitin sa Gilas Games
Dahil sa magandang ipinakita ng Gilas Pilipinas sa Riga Olympic Qualifying Tournament, marami ang nabitin at asam pang makitang lumaro ang pambansang koponan.
Pero muli munang maghihiwalay-hiwalay sina June Mar Fajardo at mga teammates at babalik sa kani-kanilang club teams.
Muli silang magsasama-sama bago matapos ang taon para sa November window ng FIBA Asia Cup qualifiers.
Maaalalang magaang na tinalo ng Gilas ang Hong Kong at Chinese Taipei sa kanilang unang ratsada sa Group B competition.
Tabla sa kartadang 2-0 ang Gilas at New Zealand na maghaharap sa Nov. 21.
Pagkatapos ng home-and-away matches ng apat na koponan na ito, agad aabante sa Asia Cup proper ang top two.
Liyamado sa Group B ang Gilas at New Zealand at malamang na maagang marating ang regional championship na gagawin sa Saudi Arabia next year.
At iyon ang panibagong exciting part para sa mga Gilas fans.
Doon muling haharapin ng Team Phl ang gaya ng Australia, New Zealand, China, Iran, Lebanon, South Korea, Japan at Jordan.
Mas mabigat ito kumpara sa Asian Games dahil kasali ang Australia at New Zealand sa Asia Cup.
Pero naipakita na nina coach Tim Cone at koponan na kaya nilang mag-compete kontra heavyweights.
- Latest