Eala goodbye na sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Hindi pinalad si Alex Eala na makahirit ng tiket sa main draw ng isang Grand Slam event.

Nagtamo ang Asian Games bronze medalist ng masaklap na kabiguan kay Lulu Sun ng New Zealand matapos lumasap ng 6-7 (3), 5-7 desisyon sa final round ng qualifying ng Wimbledon tournament.

Mainit ang ratsada ni Eala sa pagsisimula ng laban para makuha ang 5-2 kalamangan sa unang set.

Subalit unti-unting umarangkada si Sun sa mga sumunod na pangyayari laban kay Eala.

Nagpakawala ang New Zealand bet ng matatalim na service aces at kaliwa’t kanang atake para makahabol ang makuha ang first set.

Nagtuloy ang magandang laro ni Sun sa second set para tuluyang tuldukan ang pag-asa ni Eala.

Nauna nang tinalo ni Eala si dating World No. 22 at 2021 French Open semifinalist Tamara Zidansek ng Slovenia sa second round ng qualifying sa pamamagitan ng 1-6, 7-6, 6-3 panalo.

Show comments