MANILA, Philippines — Nasaksihan ng mga karerista ang husay sa pagremate ng Still Somehow nang manalo sa 2024 PHILRACOM “Hopeful Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Sa bandang likuran pumuwesto ang Still Somehow sa kaagahan ng karera habang nagbabanatan sa unahan ang matutulin sa largahan na Boss Uno, Feet Bell at Beltuna.
Pagkarating sa kalagitnaan ng karera ay ang Boss Uno pa rin ang namamayagpag sa unahan, nakadikit sa kanya ang Feet Bell at Beltuna habang lumalapit naman ang Follow Da Ruler at Still Somehow.
Nagbago ang lineup sa unahan sa far turn dahil ang Beltuna at Still Somehow na ang nagbabanatan habang nasa tersero ang nauupos na Boss Uno.
Diretso ang labanan ng Still Somehow at Beltuna sa huling kurbada kaya naman bigayan ang dalawang hinete na sina John Alysson Pabilic at O’Neal Cortez ayon sa pagkakasunod sa paghataw ng latigo sa kanilang sakay.
Pagsapit sa huling 100 metro ng karera ay umungos na ang Still Somehow at nanalo ito ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Beltuna, tersero ang Boss Uno habang pang-apat ang Gameir Winner.
Nirehistro ng Still Somehow ang tiyempong 1:54 minuto sa 1,800 meter race upang hamigin ng winning horse owner na si Tisha Sevilla ang P600,000 premyo.
Hinamig ng Beltuna ang P200,000 habang napunta ang P100,000 at P50,000 sa third at fourth placers na Boss Uno at Gameir Winner, ayon sa pagkakasunod.
Nasungkit din ni Jocelyn Modomo, ang breeder ng nanalong kabayo ang P50,000 habang P30,000 at P20,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).