MANILA, Philippines — Sumipa ang muay thai team ng 10 medalya — apat na ginto, limang pilak at isang tanso — sa 2024 IFMA World Senior Muaythai Championships na ginanap sa Athens, Greece.
Bumandera sa ratsada ng koponan si LJ Rafael Yasay na kumana ng dalawang gintong medalya sa combat at Mai Muay events.
Pinataob ni Yasay si Danila Rakitskii sa finals ng men’s 48-kilogram combat event para masiguro ang unang gintong medalya nito.
Nasikwat pa ni Yasay ang gintong medalya sa U23 Mai Muay event nang patumbahin nito si Manh Hoang Dinh sa finals.
Nakapilak pa si Yasay sa men’s U23 wai kru kung saan hinarang ni Malaysian Asyaf Latif ang tangka nitong three-gold medal rampage.
Nakuha ni Latif ang ginto sa naturang kategorya.
Nagdagdag naman ng ginto si Ariel Lampacan sa men’s wai kru event kung saan iginupo nito si Dimos Asimakopoulos ng Greece sa finals.
Mayy pilak din si Lampacan sa Mai Muay matapos matalo sa finals laban kay Pithaya Thippranee ng Thailand.
Galing naman ang isa pang ginto kay Alyssa Kylie Mallari sa women’s U23 Mai Muay.
Tinalo ni Mallari sa finals si Myra Arina Roslan para kunin ang unang puwesto.
Nagkasya naman si Mallari sa pilak sa U23 women’s wai kru matapos matalo kay Malaysian Yan Jia Chi.
Nag-ambag pa si Islay Erika Bomogao ng dalawang pilak (women’s wai kru at Mai Muay events) at isang tanso (combat elite 45 kg category).