2 golds target ni Mojdeh sa Day 1

Hawak ni Micaela Jasmine Mojdeh ang kanyang medalya.

MANILA, Philippines — Puntirya ni veteran international campaigner Micaela Jasmine Mojdeh na masungkit ang dalawang gintong medalya ngayong araw sa 13th ASEAN Schools Games na ginaganap sa Da Nang, Vietnam.

Magpapasiklab ang Brent International School-Manila standout sa finals ng 400m Individual Medley at sa preliminary round ng 100m butterfly.

Hangad ni Mojdeh na masikwat ang unang dalawang gintong medalya ng Team Philippines sa natu­rang torneo.

Hangad ng Filipino-Iranian na malampasan ang kanyang dalawang tansong medalyang nasikwat noong 2019 edisyon sa Semarang, Indonesia.

Nagsilbing flag bearer si Mojdeh ng Team Philippines sa opening ceremony noong Sabado kung saan iwinagayway nito ang bandila ng Pilipinas kasama ang mahigit 160 kabataang atletang Pinoy.

“Being chosen as the flag bearer is an honor I won’t forget. But this time, I’m not just carrying a symbol – I’m chasing a dream.  I’m back in my second Asean Schools Games, stronger, and determined to bring home the medal that will make our nation proud,” ani Mojdeh na bukod-tanging babaeng flag bearer sa parade of nations.

Maliban sa 400m Individual Medley at 100m butterfly, masisislayan din sa aksyon si Mojdeh sa 200m butterfly at 200m Individual Medley. Kasama rin ito sa 4x100m freestyle relay.

Malalim na ang karanasan ni Mojdeh na semifinalist sa 2021 World Junior Championship na ginanap sa Lima, Peru kaya asahan na magbibigay ito ng medalya sa bansa.

Show comments