Paalam dumikit sa Paris spot

Carlo Paalam.
LUIS ROBAYO / POOL / AFP

MANILA, Philippines — Tuloy ang ratsada ni Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam na umusad sa semifinals ng 2nd World Boxing Olympic Qualification Tournament na ginaganap sa Indoor Stadium Huamark sa Bangkok, Thailand.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Paalam nang ilatag nito ang kaliwa’t kanang kumbinasyon para itarak ang 5-0 unanimous decision win laban kay Feliz Jose Luis delos Santos ng Dominican Republic sa men’s 57 kg. quarterfinal match.

Inaasahang ibubuhos na ni Paalam ang lahat sa kanyang susunod na laban kung saan makakasagupa nito si Sachin Sachin ng India.

Isang panalo na lamang ang kailangan ni Paalam para makapasok sa Paris Games.

Kaya naman ang panalo nito kay Sachin ang magdadala sa kanya sa awtomatikong tiket sa Paris Olympics.

Optimistiko si national team coach Elmer Pamisa sa magiging laban ni Paalam.

Napag-aralan na ni Pamisa ang galaw ng kalaban kaya’t kasado na ang magiging game plan ni Paalam.

Galing si Sachin sa split decision win kontra kay Samuel Kistohurry ng France sa hiwalay na quarterfinal bout.

Kung matatalo si Paalam kay Sachin, may tsansa pa itong makapasok sa Paris Games dahil ang mga matatalo sa semis ay muling maghaharap para paglabanan ang huling tiket sa quadrennial meet.

Tatlong boxers ang mabibigyan ng puwesto sa Paris — ang dalawang papasok sa finals at ang mananalo sa box-off sa pagitan ng dalawang semis losers.

Show comments