Heat nagpaulan ng 23 tres sa Celtics

Nakahugot ng foul si guard Caleb Martin ng Heat kay center Kristaps Porzingis ng Celtics sa Game 2.

BOSTON — Nagtala si Tyler Herro ng 24 points at 14 assists para igiya ang Miami Heat sa 111-101 pagganti sa Celtics sa Game Two ng Eastern Conference first-round playoff series.

Nagpaulan ang Miami ng kabuuang 23 three-pointers — ang pinakamarami sa isang playoff game ng kanilang franchise history — para tablahan ang Boston sa 1-1.

Nauna nang nagtala ang tropa ni Fil-Am coach Erik Spoelstra ng playoff record na 20 triples kontra sa Milwaukee Bucks no­ong 2021 first round.

Humakot si Bam Adebayo ng 21 points at 10 re­bounds para sa Heat, ha­bang may 21 markers din si Caleb Martin.

Pinamunuan ni Jaylen Brown ang Celtics sa kanyang 33 points kasunod ang 28 markers ni Jayson Tatum.

Mula sa 61-58 halftime lead ng Boston ay hu­mataw ang Miami isang 10-0 atake para iposte ang 82-70 bentahe sa huling apat na minuto sa third pe­riod.

Naputol ito ng Celtics sa apat sa fourth quarter ba­go muling nakalayo ang Heat sa likod nina Herro at Adebayo.

Sa Oklahoma City, bu­mitaw si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points pa­ra pamunuan ang Thunder sa 124-92 dominasyon sa New Orleans Pelicans sa Game Two at ilista ang 2-0 lead sa kanilang first-round Western Confe­rence playoff series.

Kumolekta si rookie Chet Holmgren ng 26 points at may 21 markers si Jalen Williams.

Show comments