SMB target ang Top 2 spot

MANILA, Philippines — Banggaan sa tuktok ang San Miguel at Magnolia upang mapalakas ang tsansa sa ‘twice-to-beat’ bonus, habang maglalaglagan sa ibaba ng standings ang Phoenix at Meralco sa umiinit na 2024 PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Nasa Top 2 ng liga ang Beermen (7-0) at Hotshots (5-2) na magsasabong ngayong alas-7:30 ng gabi tampok ang magwawagi na makakapuro sa asam na ‘win-once’ incentive sa quarterfinals.

Sa alas-4:30 ng hapon ay tangka naman ng Bolts (3-5) at Fuel Masters (3-6) na manatiling buhay ang pag-asa para sa Top 8 spot kahit nasa pang-10 at 11 puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Nakabuntot lang ang Meralco at Phoenix kasama ang Blackwater (3-5) sa NorthPort (4-6) para sa hu­ling tiket sa quarterfinals kaya siguradong matindi ang magiging labanan upang makalapit dito.

Hindi rin nalalayo ang Terrafirma at Rain or Shine may 5-5 kartada, habang nasa unahan nang bahagya ang TNT Tropang GIga sa 5-4 matapos ang krusyal na 108-101 panalo kontra sa Phoenix.

Subalit ang spotlight ay nasa Beermen at Hotshots sa kanilang inaabangang rematch matapos magduwelo sa Commissioner’s Cup Finals.

Wagi ang SMB noon, 4-2.

Wala pang galos ang SMB, ang reigning champion din ng Philippine Cup, sa pitong salang pero may alas na four-game winning streak ang Magnolia matapos ang maalat na simula sa torneo.

Pinakabago ang 108-102 panalo ng Hotshots sa Elasto Painters sa Tiaong, Quezon at panalo rin ang Beermen sa Batang Pier, 120-100.

Show comments