May misyon ang Chery Tiggo

MANILA, Philippines — Panalo lang ang kailangang makuha ng Chery Tiggo para makaiwas sa anumang komplikasyon papasok sa semifinal round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Lalabanan ng Crossovers ang sibak nang Ga­leries Tower Highrisers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at PLDT High Speed Hitters sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Sumasakay ang Chery Tiggo sa six-game winning streak matapos matalo sa Farm Fresh noong Marso 9.

Nagmula ang tropa ni coach Kungfu Reyes sa 25-17, 25-20, 25-17 paggupo sa Akari noong Sabado para sa kanilang 8-2 kartada katabla ang Creamline at Petro Gazz sa ilalim ng Choco Mucho (9-2) kasunod ang PLDT (7-3).

Bagama’t sibak na ang Highrisers ay krusyal pa rin ang panalo ng Crossovers para sa semifinals berth.

“Siyempre balik kami sa training, pag-aaralan ulit namin sila, may mga scouting pa rin kami na kumbaga kung ano iyong normal na ginagawa namin sa ibang team, gagawin din namin dito sa Galeries kasi nagte-training sila araw-araw, pinagtatrabahuhan nila iyong mga panalo,” ani Chery Tiggo star Eya Laure.

Samantala, mana­na­langin naman ang High Speed Hitters na matalo ang Crossovers sa Highri­sers sa three o four sets kasabay ng kanilang pagwalis sa Cool Smashers.

Kung mangyayari ito ay may tsansa ang PLDT na masingitan ang Chery Tiggo sa ikaapat na semis spot.

 

Show comments