Dela Cruz bumida sa panalo ng Lady Cardinals

MANILA, Philippines — Tumikada si Roxie Dela Cruz ng 10 puntos upang akayin ang Mapua University Lady Cardinals sa 25-20, 25-19, 25-19 panalo kontra Jose Rizal University Lady Bombers sa NCAA Season 99 wo­men’s volleyball na nilaro sa Filoil EcoOil Arena, kahapon.

Nakigulo sa No. 4 sa team standings ang Lady Cardinals, sinaluhan ang Arellano University Lady Chiefs at Perpetual Help Lady Altas na may tig- 3-2 records habang solo sa tuktok ang defending champions College of Saint Benilde Lady Blazers na may 5-0 karta.

Kinamada naman nina Raissa Janel Ricablamca at Princess Jolina Barbiera ang siyam at pitong puntos para sa Mapua, ayon sa pagkakasunod upang ipalasap sa Lady Bombers ang pang-apat na kabiguan sa limang salang.

Malaki ang tsansa ng Intramuros-based squad na humakbang sa susunod na phase dahil dikit lang ang kanilang karta sa nasa pangatlong puwesto na Letran  Lady Knights, (4-1), pangalawa ang Lyceum of the Philippines Lady Pirates na may 4-0 card.

Nagwagi sa unang laro ang Perpetual Help Lady Altas sa San Beda University Lady Red Spikers, 20-25, 25-13, 22-25, 25-17, 15-6.

Show comments