Caloy kumana ng gold sa World Cup

MANILA, Philippines — Muling iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa world stage matapos bumanat si world champion Carlos Edriel Yulo ng gintong medalya sa FIG Artistics Gymnastics World Cup sa Doha, Qatar.

Inilabas ni Yulo ang maningning na performance nito para masiguro ang ginto sa men’s parallel bars.

Umani si Yulo ng impresibong 15.200 puntos upang angkinin ang unang puwesto.’

Piantaob ni Yulo si Hung Yuan-Hsi ng Chinese-Taipei na nagkasya lamang sa pilak bunsod ng nakuha nitong 14.966 puntos habang pumangatlo lamang si Caio Souza ng Brazil na nagsumite ng 14.566 puntos.

Bukod sa ginto, umani rin si Yulo ng pilak na medalya sa men’s vault.

Nagrehistro ang 24-anyos na Pinoy gymnast ng 15.066 puntos sapat para sa pilak.

Nanguna si Artur Davtyan ng Armenia na may 15.166 puntos habang may  14.749 points si Yahor Sharamkou ng Belarusia.

Magandang performance ito para kay Yulo na naghahanda para sa Paris Olympics na idaraos sa Hulyo sa France.

Kasama ni Yulo sa Pa­ris Games sina Fil-Ame­ricans Aleah Finnegan at Levi Ruivivar na nakahirit din ng tiket sa women’s division.

Parehong nakasiguro sina Yulo at Finnegan sa World Championships noong nakaraang taon.

Sa kabilang banda, sariwa pa si Ruivivar sa pag-angkin ng Paris Games berth sa World Cup Doha Leg.  

Show comments