Foxies pinaluhod ang Athletics

Hinatawan ni Caitlyn Viray ng Farm Fresh si Mary Joy Onofre ng Strong Group Athletics.
PVL

MANILA, Philippines — Tinapos ng Farm Fresh ang kanilang kamalasan matapos gibain ang Strong Group Athletics, 25-10, 25-15, 25-22, sa 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Pinigilan ng Foxies ang kanilang limang sunod na kamalasan para sa 3-7 baraha at ibinagsak ang Athletics sa 0-10.

Huling nagwagi ang Farm Fresh noong Marso 9 kung saan nila ginulat ang Chery Tiggo, 25-23, 25-22, 25-16, bago bumulusok sa isang five-game losing skid.

“Siyempre masaya, nakahinga na rin ng medyo maluwag. Sana madala namin iyong momentum sa next game,” sabi ni Caitlyn Viray na humampas ng 11 points mula sa walong attacks, dalawang blocks at isang service ace para sa Foxies.

Bumandera si Trisha Tubu sa kanyang 13 mar­kers buhat sa 12 attacks at isang block habang may pito at anim na marka sina Chinnie Arroyo at Pia Ildefonso, ayon sa pagkakasunod.

Matapos dominahin ang first at second set ay nahirapan ang Farm Fresh sa third frame kung saan nakatabla ang SGA sa 22-22.

Ang hataw ni Viray kasunod ang atake ni Ildefonso ang nagbigay sa Foxies ng match point.

Tuluyan nang tinapos ni Viray ang Athletics para selyuhan ang kanilang panalo.

Pinamunuan ni Zan Raslan ang SGA sa kanyang siyam na puntos kasunod ang pitong marka ni Mary Joy Onofre.

 

Show comments