Belga muling bumida sa RoS

Sinalakay ni Beau Belga ng Rain or Shine sa sha­ded lane si NorthPort rookie Zav Lucero.
PBA Image

MANILA, Philippines — Wagi uli ang Rain or Shine matapos pataubin ang NorthPort, 115-105, para sa ikalimang sunod nilang tagumpay sa 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Kumubra ng career-high 28 points si Beau Belga sahog pa ang 13 rebounds, 7 assists at 2 steals para sa isa na namang muntikang triple-double upang banderahan ang nag-aapoy na Elasto Painters.

Bunsod nito ay swak na sa Top 6 ang Rain or Shine hawak ang 5-4 kartada matapos ang maalat na 0-4 simula.

Huling natalo ang Rain or Shine sa unbeaten leader at reigning champion na San Miguel Beer, 109-97, bago isa-isahin ang Phoenix, Converge, Blackwater at Terrafirma.

At maging ang NorthPort ay hindi napigilan ang pag-ragasa ng Elasto Painters sa tulong din nina Jhonard Clarito, Adrian Nocum at Mark Borboran na nag-ambag ng 17, 16 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Maagang kumawala ang Elasto Painters, 24-14, sa unang sultada hanggang lumamang sa 22 puntos tungo sa kumbinsidong tagumpay.

Kinapos ang career-highs na 29 at 26 puntos nina rookie Zav Lucero at Allyn Bulanadi, ayon sa pagkakasunod, para sa Batang Pier na sa kabaliktaran ay sadsad sa ikatlong sunod na kabiguan.

Matapos ang mainit na 4-1 simula at segunda puwesto sa standings ay nasa 4-4 na ngayon ang karatada ng Batang Pier sa kalagitnaan ng All-Filipino Conference.

 

Show comments