MANILA, Philippines — Ilalatag ni Zoren James Aranas ang husay nito sa prestihiyosong 2024 World Pool Masters na idaraos sa Abril 25 hanggang 28 sa Halle 39 sa Hildesheim, Germany.
Kasama ang Pinoy cue master sa 16 mahuhusay na players na inimbitahan sa naturang event.
Walo ang seeded players na sina Francisco Sanchez Ruiz ng Spain, Fedor Gorst ng Russia, Shane Van Boening ng Amerika, Ko Ping Chung ng Chinese-Taipei, Joshua Filler ng Germany, Jayson Shaw ng Scotland, Albin Oushan ng Austria at David Alcaide ng Spain.
Nasa unseeded players si Aranas kasama sina Mario He, Aloysius Yap, Wiktor Zielinski, Ko Pin Yi, Max Lechner, Eklent Kaci at Duong Quoc Hoang.
Sa opening day pa lamang, mapapalaban na agad si Aranas dahil sasagupain nito ang top seed na si Sanchez Ruiz.
Kung aabante ito sa susunod na round, makakalaban ni Aranas ang mananalo sa pagitan nina Alcaide at Ko Pin Yi.
Maghaharap din sina Filler at Kaci, Ko Ping Chung at Zielinski, Van Boeining at Hoang, Shaw at Yapp, Ouschan at Lechner, at sina Gorst at He.
Ipatutupad ang Race to 9 sa opening round habang Race to 10 sa quarterfinals, Race to 11 sa semifinals at Race to 13 sa finals.