MANILA, Philippines — Hinataw ng Akari ang ikalawang sunod na panalo matapos gibain ang talsik nang Capital1 Solar Energy, 25-17, 25-14, 25-20, sa 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bumanat si Dindin Santiago-Manabat ng 25 points mula sa 20 attacks, tatlong blocks at dalawang service aces habang may 14 excellent sets si Jaja Maraguinot para sa 4-5 baraha ng Chargers.
Nagdagdag si Grethcel Soltones ng siyam na puntos at may tig-walo at pitong marka sina Faith Nisperos, Ezra Madrigal at Fifi Sharma, ayon sa pagkakasunod.
Lagapak ang Solar Spikers sa 1-8 marka kung saan ang kanilang tanging tinalo ay ang SGA, 25-18, 25-20, 19-25, 25-20, noong Marso 5.
Matapos isuko ang first set ay kinuha ng Capital1 ang 9-7 bentahe sa second set mula sa atake ni Jorelle Singh bago pumalo ang Akari ng 10-3 atake para agawin ang 17-12 lead.
Tinapos ni Nisperos ang nasabing yugto para sa kanilang 2-0 abante.
Muli ring kinuha ng Solar Spikers ang 14-13 abante sa third frame matapos ang hataw ni Janeca Lana kasunod ang pagbibida ni Soltones para itaas ang Chargers sa 24-19.
Sinelyuhan ni Rochelle Baliton ang panalo ng Akari mula sa kanyang palo sa gitna.