SALT LAKE CITY -- Bumanat si Fil-American guard Jalen Green ng 30 sa kanyang 34 points sa second half para pangunahan ang Houston Rockets sa 101-100 pagtakas sa Utah Jazz.
Ito ang ika-11 sunod na pananalasa ng Rockets (38-35) para palakasin ang tsansa sa play-in tournament pagkatapos ng regular season.
Nagdagdag si Fred VanVleet ng 22 points habang humakot si Amen Thompson ng 18 points at 14 rebounds at may 14 markers si Jabari Smith Jr.
Pinangunahan ni John Collins ang Jazz (29-45) sa kanyang 30 points at 11 rebounds kasunod ang 29 markers ni Collin Sexton.
Laglag ang Utah sa pang-walong dikit na kamalasan.
Naghabol ang Houston sa third period tampok ang 20 points ni Green para agawin ang 84-72 kalamangan patungo sa 92-85 bentahe sa huling 3:45 minuto ng fourth quarter.
Sa Denver, humataw si Anthony Edwards ng 25 points at may 23 markers si Mike Conley para sa 111-98 pagdaig ng Minnesota Timberwolves (51-22) sa nagdedepensang Nuggets (51-23).
Sa Sacramento, ipinasok ni Dante Exum ang game-winning 3-pointer sa huling 27.5 segundo sa 107-103 paglusot ng Dallas Mavericks (44-29) sa Kings (42-31).
Sa San Antonio, humakot si 7-foot-4 top overall pick Victor Wembanyama ng career-high 40 points bukod sa 20 rebounds at 7 assists sa 130-126 overtime win ng Spurs (18-56) sa New York Knicks (44-29).