MANILA, Philippines — Nakaiskor na sa wakas ng unang panalo ang Rain or Shine matapos dagitin ang Phoenix, 100-85, sa 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Nagpasiklab ng season career-best na 28 puntos ang rookie na si Adrian Nocum upang giyahan ang pagpasok ng Elasto Painters sa winning column matapos mabigo sa unang apat na subok.
Naitala ni Nocum, produkto ng Mapua sa NCAA at San Juan sa MPBL bago kunin ng Rain or Shine bilang 24th overall pick, ang career-high nitong 29 puntos sa 121-117 overtime loss ng Rain or Shine kontra sa Meralco sa simula nitong buwan.
Sa pagkakataong ito ay nakakuha siya ng suporta mula sa beteranong big man na si Beau Belga na humakot ng 21 puntos, 11 rebounds at. 3assists.
Nag-ambag din ng 19 puntos, 5 rebounds at 3 assists si Jhonard Clarito habang 8 puntos, 10 rebounds, 3 assists at 3 steals si Santi Santillan matapos magliyab sa career-high na 31 puntos at 14 rebounds sa 109-97 kabiguan nila kontra sa reigning champion na San Miguel Beer.
Bigo din ang Rain or Shine kontra sa Talk ‘N Text, 108-107, at Barangay Ginebra, 113-107, bago nakaiskor sa wakas sakto sa mahaba-habang pahinga dahil sa PBA All-Star Weekend ngayong linggo na gaganapin sa Bacolod City.
Hindi na pinakawalan ng Elasto Painters ang abante buhat noon nang lumamang pa hanggang sa 17 puntos tungo sa tagumpay para sa 1-4 kartada.