Petecio, 3 pa umabante sa Olympic qualifiers

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio  ang matikas na ratsada ng Pinoy squad sa Olympic qualifying tournament na ginaganap sa Busto Arsizio, Italy.

Kabilang si Petecio sa apat na umusad sa susunod na round kung saan naitala nito ang knockout win kontra kay Serbian Andela Brankovic sa women’s 57 kilogram division.

Hataw din si Asian Games medalist Rogen Ladon na kumana ng split decision win laban kay home town bet Italian Federico Emilio Serra sa men’s 51 kg class.

Nagtala rin ng panalo sina Mark Ashley Fajardo (men’s 63.5 kg) at Ronald Chavez Jr. (71 kg) sa kani-kanyang dibisyon.

Wagi si Fajardo via knockout kay Albertino Monteiro ng Portugal habang naitakas ni Chavez ang split decision win kontra kay Bruno de Barros Fernandez ng Cape Verde.

Sunod na makakasagupa ni Ladon si Said Mortaji ng Morocco habang titipanin naman ni Petecio si Maria Claudia Nechita ng Romania.

Nauna nang umabante sa second round si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam na nakasi­guro ng opening round bye.

Lalabanan ni Paalam ang mananalo sa pagitan nina Mexican Andrey Bonilla at German Murat Yildirim.

Nalagasan ang Pinoy squad matapos matalo si Riza Pasuit kay Vene­zuelan Krisandy Rios via unanimous decision sa women’s 60 kg.

Pakay ng Pinoy bets na makahirit ng tiket sa Paris Olympics na idaraos sa Hulyo.

Isa pa lang ang nakasisiguro ng puwesto sa Paris Games sa ngalan ni Eumir Felix Marcial na naka-pilak sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China noong 2023.

Show comments