Caring Melody wagi sa rektahan

MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas ang Caring Melody sa rek­ta­han matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Mai­den race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.

Hinawakan muna ng Star Of The Future ang una­han makaraang humarurot sa largahan, habang nasa pangalawang pu­westo ang Dynamic Dyna.

Subalit makalipas ang ilang metro ay inagaw na ng Caring Melody ang bandera sa Star Of The Fu­ture.

Dalawang kabayo ang lamang ng Caring Melody sa Star Of The Future sa kalagitnaan ng karera pero papalapit ng far turn ay kinapitan ito ng Skydance.

Nagtagisan ng bilis sa unahan ang Caring Me­lody at Skydance at ba­hagyang nakaungos ng nguso ang hu­li pagsapit ng huling kurbada.

Mainit na bakbakan ang nasilayan ng mga ka­rerista, subalit sa huling 50 metro ay umabante na ang Caring Melody at nanalo na may isang ka­­bayo ang agwat sa Skydance.

Ginabayan ni MM Gonzales, inirehistro ng Caring Melody ang tiyempong 1:28.4 sa 1,400 meter race sapat upang ha­migin ng winning horse owner na si JA Rabano ang P22,000 added prize.

Terserong tumawid sa meta ang Essential Lady, habang pang-apat Tough Feeling sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).

Humamig din ang bre­eder na si James Albert Di­chavez ng P4,500 sa pag­kakapanalo ng Caring Melody at may P1,000 at P500 ang second at third pla­cers, ayon sa pagkakasunod.

Show comments