Mojdeh bumanat ng tanso sa Asian meet

Micaela Jasmine Mojdeh

MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si Philippine Swim League standout Micaela Jasmine Mojdeh nang umani ito ng tansong medalya sa 11th Asian Age Group Championships na ginaganap sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.

Nasiguro ng World Juniors Championships semifinalist at Palarong Pambansa champion ang ikatlong puwesto sa 200m butterfly event upang makapag-ambag sa kampanya ng Team Philippines.

Maganda ang simula ni Mojdeh na umariba agad sa pagsisimula ng laban.

Subalit kinapos ito sa bandang huli ng 50 metro ng karera para magkasya sa tanso sa 15-17 age group.

Naging matibay na inspirasyon ni Mojdeh ang home crowd na malakas ang suporta sa kanyang laban.

Nagtala ito ng 2:21.87.

“Thankful ako dahil namamatay na talaga ako sa last 50 meters walang wala na ako pero nung narinig ko yung home crowd doon talaga ako ginanahan to push more,” ani Mojdeh.

Kaya naman malaki ang pasasalamatni Mojdeh sa mga sumuporta sa kanyang laban.

“I’m really proud that I won a bronze for the Philippines,” dagdag ni Mojdeh na estudyante ng Brent International School Manila.

Nanguna sa naturang event ang Hong Kong bets na sina Yeung Hoi Ching at Mok Sze Ki.

Nagsumite si Yeung ng 2:16.80 para sa ginto habang pumangalawa si Mok tangan ang 2:17.00.

“What gives me motivation is my supporters, my family, my teammates, my friends, everybody. I can see the whole Philippine swimming community really watching me, really cheering us on, so thanks so much to them,” dagdag ni Mojdeh.

Nauna namg sumalang si Mojdeh sa 200m individual medley, 400m individual medley, 4x100m medley relay, at 4x200m freestyle relay.

Nasa ikaanim ito sa 200m individual medley, ikalima sa 400m individual medley, ikaapat sa 4x100m medley relay at ikalima sa 4x200m freestyle.

Show comments