MANILA, Philippines — Nangunguna si Barangay Ginebra standout Christian Standhardinger sa Best Player of the Conference (BPC) race sa PBA Season 48 Commissioner’s Cup.
Inupuan ni Standhardinger ang unang puwesto matapos ang elimination round kung saan naungusan nito si seven-time MVP June Mar Fajardo ng San Miguel Beer.
Nagrehistro si Standhardinger ng average na 38.0 statistical points para okupahan ang unang puwesto.
Isa si Standhardinger sa tunay na maaasahan ng Gin Kings sa kampanya nito matapos magtala ng averages na 17.3 points, 9.6 rebounds, 5.3 assists at 1.2 steals kada laro.
Nakuha ng Gin Kings ang No. 3 seed sa quarterfinals kung saan nabiyayaan ito ng twice-to-beat card tangan ang 8-3 rekord.
Sa kabilang banda, sumadsad sa listahan si Fajardo na nagtamo ng injury sa kanyang kamay dahilan para hindi ito makapaglaro ng anim na linggo.
Sa ikalawang puwesto si CJ Perez ng Beermen tangan ang 35.2 SPs mula sa averages na 16.5 points, 7.1 rebounds at 3.8 assists habang ikatlo naman si Arvin Tolentino ng NorthPort na naglista ng 35.1 SPs.
Ikaapat si Calvin Oftana ng Talk ’N Text tangan ang 35.0 SPs habang ikalima si Season 47 Most Valuable Player Scottie Thompson ng Barangay Ginebra na may 32.5 SPs.
Sa Best Import race, nasa unahan si Rahlir Hollis-Jefferson ng TNT na may 67.5 SPs tangan ang averages na 42.5 points, 12.5 rebounds, 7.5 assists at 2.5 steals.