MANILA, Philippines — May maagang pamasko ang mga atletang nagkamit ng medalya sa katatapos na 4th Asian Para Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Ikinakasa na ang insentibo ng mga national para athletes para suklian ang dugo’t pawis na ibinuhos ng mga ito para mabigyan lamang ng karangalan ang bansa sa quadrennial meet.
Nakasaad sa Republic Act 10699 o mas kilala sa Athletes and Coaches Incentive Act, tatanggap ang mga gold medalists ng P1 milyon.
Bibigyan naman ng P500,000 ang mga silver medalists habang may P200,000 naman ang mga nagkamit ng tansong medalya.
Humakot ang Team Philippines ng 10 ginto, apat na pilak at limang tansong medalya sa Asian Para Games upang okupahan ang ikasiyam na puwesto sa overall medal tally.
Pinakamaningning ang chess team na kumana ng walong ginto habang may tig-isang ginto naman ang athletics at swimming.
Dalawang gintong medalya ang nasikwat ni chess master Cheyzer Mendoza sa women’s individual rapid P1 at women’s individual standard P1.
May individual gold medals din sina Menandro Redor, Henry Roger Lopez at Danny Bernardo sa chess, at sina Ernie Gawilan sa swimming at Jerrold Mangliwan sa athletics.
Galing naman ang iba pang ginto sa chess team events — men’s standard VI-B2/B3 men’s team rapid P1 at men’s team rapid VI - B2/B3.
Inaasahang maipamamahagi na ang insentibo ng mga Pinoy para athletes sa Nobyembre.