Bea Bell dinomina ang 2nd Leg Juvenile race

MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na tinawid ng Bea Bell ang finish line matapos angkinin ang korona sa 2023 PHILRACOM “2nd Leg Juvenile Stakes race na nilarga sa Metro, Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.

Kumaskas sa unahan ang Bea Bell paglabas ng aparato para hawakan agad ang dalawang kabayong bentahe sa kaagahan ng karera.

Pagsapit ng far turn ay hindi pa rin madikitan ng ibang kabayo ang matikas na Bea Bell na pag-aari ng mag-amang sina Elmer De Leon at volleyball star player Bea De Leon.

Kaya naman nanatiling nasa unahan ang Bea Bell at pagsungaw ng rektahan ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng winning horse.

Umalagwa sa anim na kabayo ang bentahe ng Bea Bell sa huling 150 meter race kaya pagtawid nito sa meta ay nasa walong kabayo ang lamang nito sa pumangalawang Morning After.

Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, nirehistro ng Bea Bell ang tiyempong 1:25.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P1,080,000 premyo habang napunta kay Morning After ang P360,000.

Show comments