MANILA, Philippines — Nakasiguro ng tiket sa finals si Janry Ubas matapos masikwat ang ikatlong puwesto sa qualifying round ng 19th Asian Games men’s long jump kahapon sa Hangzhou Olympic Sports Centre Stadium sa Hangzhou, China.
Nagrehistro si Ubas ng 7.79 metro distansiya para makahirit ng tsansang makapag-ambag ng medalya para sa Team Philippines.
Bumandera si Shi Yuhao ng host China na may impresibong 8.14 metro habang pumangalawa si Srees Hanker ng India na may 7.97 metro.
Pasok din sa 12-man final round sina Wang Jianan ng China (7.72m), Lin Yu-Tang ng Chiense-Taipei (7.70m), Jeswin Johnson ng India (7.67m), Lin Chia-Hsing ng Chinese-Taipei (7.66m), Natsuki Yamakawa ng Japan (7.63m), Anvar Anvarov ng Uzbekistan (7.63m) at Chan Ming Tai ng Hong Kong (7.54m).
Nakatakda ang finals ngayong araw sa alas-7:10 ng gabi sa parehong venue.
Bigo naman ang Sibol na makasiguro ng medalya matapos yumuko sa Uzbekistan sa iskor na 0-1 sa Group Stage action ng DOTA 2 sa Hangzhou Esports center.
Sibak na sa kontensiyon ang Sibol habang umabante sa susunod na round ang Uzbekistan na may malinis na 2-0 rekord sa Group A.
Nawalan ng saysay ang panalo ng Sibol kontra sa India sa kanilang unang asignatura.