JRU sinapawan ang Letran

Letran head coach Rensy Bajar.
NCAA

MANILA, Philippines — Diniskaril ng Jose Rizal University ang pagsisimula ng title defense ng three-time champion Letran matapos ilusot ang 85-79 overtime win sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Ilang beses naghabol ang Heavy Bombers sa laro bago ungusan ang Knights sa extra period para sa kanilang 1-0 record.

Humataw sina Agem Miranda at Mawrin Dionisio ng tig-17 points  habang may 12 markers si Shawn Argente para sa Jose Rizal na kinuha ang 82-79 abante sa huling 30 segundo ng overtime period.

Naimintis naman ni Kyle Tolentino ang kanyang tangkang three-point shot na nagpaguho sa tsansa ng Letran, giniyahan ng bagong coach na si Rensy Bajar.

Ang triple ni Vince Cuajao ang nagdala sa Knights sa overtime, ngunit hindi nila natibag ang Heavy Bombers sa dagdag na limang minuto.

Tumipa si Kurt Reyson ng 18 points para sa Letran at may 16 at 12 markers sina Kevin Santos at rookie Deo Cuajao, ayon sa pagkakasunod.

Show comments