MANILA, Philippines — Asahan ang matinding pukpukan sa araw na ito tampok ang banggaan ng Far Eastern University at University of Perpetual Help System Dalta sa pag-arangkada ng women’s semifinal round ng V-League Collegiate Challenge ngayong araw sa Paco Arena sa Manila.
Maghaharap ang Lady Tamaraws at Lady Altas sa Game 1 ng best-of-three semifinal series sa alas-12 ng tanghali matapos ang duwelo ng University of the East at College of Saint Benilde sa alas-10 ng umaga.
Pamumunuan ang Lady Tamaraws ni Chenie Tagaod na isa sa pangunahing sinasandalan ng Morayta-based squad.
“As usual pag-aaralan namin ‘yung makakalaban namin. Re-review-hin ‘yung mga dapat aralin, para ‘pag tumuntong ulit kami rito, handa ang girls, handa ang coaches, handa kaming lahat,” ani FEU interim coach Manolo Refugia.
Magtutuos naman ang dalawang teams na hawak ni veteran mentor Jerry Yee — ang Lady Warriors at Lady Blazers.
Hawak ng Lady Blazers ang 1-0 bentahe kontra sa Lady Warriors sa kumperensiyang ito.
Naitarak ng Benilde ang 23-25, 25-22, 29-27, 25-18 panalo laban sa UE sa eliminasyon noong Setyembre 10.
Umaasa si Lady Blazers top spiker Gayle Pascual na maduduplika ng kanilang tropa ang naturang panalo upang makuha rin ang 1-0 kalamangan sa kanilang serye.
Sa men’s division, maghaharap ang top seed University of Santo Tomas at Far Eastern University sa alas-4 ng hapon.
Masisilayan din ang duwelo ng Ateneo de Manila University at De La Salle University sa alas-2 ng hapon.