Robinson naagaw ng NLEX sa San Miguel bilang import sa PBA Commissioner’s Cup

Thomas Robinson

MANILA, Philippines — Matutuloy na ang pag­­lalaro ni dating NBA standout Thomas Robinson sa PBA subalit hindi para sa San Miguel Beer na unang team sana na sa­salangan niya.

Nasungkit ng NLEX ang serbisyo ng NBA ve­teran forward para sa 48th PBA Season na magsisi­mula muna sa Commis­soner’s Cup imbes na Phi­lippine Cup, ayon sa pa­hayag ng koponan ka­ha­pon.

Noong nakaraang taon sana unang sasabak sa PBA si Robinson para sa Beermen subalit hindi natuloy nang madale ng injury kaya pinalitan ni Diamond Stone.

Ngayon ay handa na ulit ang 32-anyos na forward matapos ang impre­sibong kampanya para sa Leones de Ponce sa Puerto Rico.

Siya ang pinakabagong dating NBA player na sasabak para sa Road Warriors matapos sina KJ McDaniles, Earl Clark at Jonathan Simmons.

Dating No. 5 overall pick si Robinson ng Sacramento Kings noong 2012 NBA Rookie Draft bago naglaro para sa Houston Rockets, Portland Trail Blazers, Philadelphia 76ers, Brooklyn Nets at Los Angeles Lakers.

Makikipagsabayan si Robinson sa pambatong cast ng mga imports sa pa­ngunguna nina Justin Brownlee ng reigning champion Barangay Ginebra at Rondae Hollis-Jefferson ng TTNT Tropang Giga para sa PBA Commissioner’s Cup na lalarga sa Nobyembre 5.

Tinalo ni Hollis-Jefferson at ng Tropang Giga si Brownlee at ang Gin Kings para sa korona ng nakaraang PBA Governors’ Cup.

Sasalang din sa Commissioner’s Cup sina Tyler Bey ng Magnolia, Feron Hunt ng Meralco at Nick Evans ng Rain or Shine.

Naurong ang opening ng PBA mula sa Oktubre 15 dahil sa kampanya ng Gilas Pilipinas tampok ang mga PBA players at coaches sa pangunguna ni Ginebra coach Tim Cone sa Asian Games sa Hangzhou, China.

 

Show comments