E-Painters tumukod sa Chinese Taipei A
MANILA, Philippines — Nabinyagan ang Rain or Shine ng 98-79 kabiguan sa kamay ng Chinese Taipei A para sa semplang na simula ng kampanya nito sa 42nd William Jones Cup kamakawa ng gabi sa Taipei Heping Gymnasium.
Maagang naiwan sa 17-point deficit ang Elasto Painters, 23-40, at hindi na nakabangon pa tungo sa 19-puntos na kabiguan kontra sa hosts sa pagbabalik ng Jones Cup tampok ang 8 teams matapos ang tatlong taong pagkakatengga dahil sa pandemya.
Napurnada sa pagkatalo ng RoS bilang pambato ng PBA sa Jones Cup ang 18 puntos ni Andrei Caracut.
Nauwi rin sa wala ang 15 puntos at 16 rebounds na double-double ni Gilas Pilipinas at dating Ateneo center na si Ange Kouame.
Blanko sa first half ang isa pang import na si Nick Evans at bagama’t nakabawi sa 14 puntos at 11 rebounds sa second half ay hindi pa rin sumapat para maakay sa panalo ang RoS.
Hindi napigilan ng RoS ang twin towers ng Chinese Taipei national team na sina William Artino at Senegalese-Taiwanese Mohammad Al Bachir Gadiaga na may 23 at 22 puntos, ayon sa pagkakasunod.
- Latest