Caluag babandera sa Pinas sa Asian BMX racing

MANILA, Philippines — Ibabandera ng Pilipinas si London Olympian Daniel Caluag sa 2023 Asian Cycling Confederation (ACC) BMX Racing and Freestyle Championships na ilalarga sa Sabado at Linggo sa Tagaytay City BMX Park at sa bagong multi-purpose Tagaytay City Combat Center.

Pangungunahan ni Filipino gold medalist sa Incheon 2014 Asian Games, Caluag ang kampanya ng Pilipinas kontra pitong tigasing bansa na Japan, South Korea, Singapore, China, Hong Kong, Thailand at Malaysia.

“Our warmest welcome to the athletes, coaches and officials for the ACC BMX Championships,” ani Tagaytay City Mayor at Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.

Ang ibang Pinoy riders na makakasama ni Caluag ay sina former Asian Juniors champion Patrick Coo at national coach at athlete Renz Viaje.

Ang Asian championships ang pangalawang major international competition na inorganisa ni Tolentino sa Tagaytay City pagkatapos ng Philippine 30th Southeast Asian Games nitong December 2019.

Pakakawalan ang BMX racing events sa Sabado at sa Linggo ng umaga at diretso na rin sa Finals sa hapon.  

Show comments